Dear Manong,
Sana naisip ko noon at nakinig ako sa kanila na kaya mo kong maintindihan.
Sana naisip ko din na nature na ng tao ang magsawa may eksaktong dahilan man o wala.
Sana sa bawat umagang daratnan ay may paglalaanan ng isang matamis na pagbati-pagbating sintamis ng ngiti ng isang batang binigyan ng ice cream-at ang tanging itutugon sayo ay ang tatlong maiikling salita na tila mas matamis pa sa kahit anong tsokolate na makakapagpataba sa akin.
Sana mayroong fast forward button ang buhay para pwedeng laktawan ang mga eksena sa buhay na ang tanging dulot lamang ay sakit sa ulo at kirot sa dibdib.
Sana parang draft lang ang buhay, na kapag nagkamali ka ng sandamakmak na beses ay pupunitin mo lang ang bawat pahina at magsisimula ulit ng panibago.
Sana magnet na lang ako. May positive charge ang aking katawan at may negative charge naman ang sa iyo, nang sa gayon ay magattract tayo.
Sana maging payapa at ligtas na lugar na ang mundo para kahit anong oras ay pwede akong umuwi. Malaya kong magagawa ang bagay na hindi ko magagawa dahil delikado ang umuwi ng gabi lalu na sa Maynila.
Sana sa bawat oras na titingin ako sa aking telepono ay may makikita akong message. Message na simple pero mapapangiti ako at magpaparamdam sa akin na sa kabila ng lahat ng aking kamalian ay may nagmamahal pa din.
Sana sa ibang panahon na lang ako pinanganak, baka sakaling mabago ang takbo ng buhay ko at doon mas kanaisnais ang mga mangyayari sa akin. Pero naniniwala pa din ako sa tadhana, at ito ang buhay na itinadhana sa akin kaya wala na akong ibang magagawa kung hindi mahalin ito.
Sana magkaroon ako ng pakpak para hindi na ako nala-late sa pagpasok at para hindi ko na maranasan ang traffic at pakikipagsiksikan sa mala-sardinas na LRT.
Sana lahat ng bagay sa mundo ay libre, kaso magkakagulo lang ang lahat ng tao dahil mahilig tayo sa libre kaya wag na lang din.
Sana libre ang pangarap, kung sasabihin niyo na libre ang pangarap ay susko! lumapit ka dito at ibigay mo sa akin ang pangarap ko! Pangarap na minsan ko nang nakamit ngunit hindi ko pinangalagaan at pinabayaan kong makawala.
Sana mawala na ang kahirapan at korapsyon dito sa Pilipinas, pati ang walang tigil na mga krimen at nakawan ng mga @#@*= na tao jan dahil……. wala lang, gusto ko lang.
Sana hindi mahirap mag-aral para lahat ng kabataan ay ma-eengganyo mag-aral at hindi na sila magiging pabigat sa kani-kanilang magulang.
Sana may talento ako sa panghuhula, yung gift of intuition! Lintek, para man lang yung pag-effort ko sa pag-analyze ng mga tanong na ni-isang salita ay hindi ko maintindihan ay masagutan ko naman kahit hula lang.
Sana kapag nagiging masaya tayo ay hindi na toh natatapos. Yung tuloy tuloy na kaligayahan hanggang sa mawalan na tayo ng dahilan para maging masaya pa, pero imposible yun dahil mawawala ang konsepto ng “problema” at kapag walang problema ay walang lulutasin at kung walang lulutasin, hindi na tayo magiging masaya.
Sana madaling makontento ang tao, yung hindi na hihiling ng kung anu-ano pa sa buhay, yung masaya na siya sa kung anong meron siya ngayon, yung taong hindi katulad ko na maraming “sana” na inaasam at nagsusulat ngayon ng walang kwentang blog ![]()
Sana madaling mabalik ang tiwala, madaling mabalik ang dati. Walang bahid ng kahit anong pagdududa o pagtatanong, na parang corrupted file lang na pwede mong i-delete tapos mawawala na ng parang bula.
Pero eto na talaga,
eto lang naman talaga ang gusto ko e…
na sana,
matigil na ang kalokohang ito –mahirap din naman mag-isip, mamroblema, magalit, mainis, magmahal, magkunwari.
Gusto ko lang talaga maging masaya ulit,
ako,
ikaw,
TAYO.. tayong lahat.
.
.
Umaasa ng buong-buo,
anne.